Personal na dinaluhan ni Mayor Rommel Magbitang ang pagsisimula ng Assessment of Zero Waste para sa mga barangay ng Naic, nitong Huwebes, Setyembre 18, 2025, sa Palangue 3 Covered Court.

Katuwang sa naganap na pagpupulong ang MENRO, EcoWaste Coalition, at mga HOA ng NHA upang suriin ang pagpapatupad ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act na layong mapahusay ang pamamahala ng basura at mabawasan ang paggamit ng plastik.

Ibinahagi ng iba't ibang barangay, katulad ng Brgy. Calubcob, Brgy. Halang, Brgy. Palangue Central, at Brgy. Palangue 2–3, ang kanilang mga ulat mula 2020 hanggang 2022, kasunod ang pagsusuri ng EcoWaste Coalition, presentasyon ng Plastic Free Philippines–Cavite Project, at pagtukoy sa mga susunod na hakbang para higit pang mapagtibay ang Zero Waste Naic.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayang Naicqueño, hangad na makamit ang isang mas malinis, maayos, at ligtas na kapaligiran sa bayan ng Naic.